September 16th, 2009
ang buhay ay parang chubibo
ngunit bakit parang butas yata ang goma ng kabilugan ng chubibo ng buhay? ang siklo na tinutukoy ko sa kantang Yahoo ay tila totoo yata, isang siklo na paulit-ulit na konting pag-asa, pasakit, dalamhati, at pag-ibig na di maitawid tawid, isang ikot sa chubibong di magawa gawa, kasi nga flat ang goma. di ko maipaliwanag ng husto gaya ng dati, marahil dahil sa pumupurol kong kokote na hatid ng alkohol at kakulangan ng vitamin C, ngunit sa mga bumabasa, kung meron man, marahil ay kuha niyo na ang aking pinapahiwatig.
natagpuan kong muli ang sarili sa munting talaang ito, kung saan ko pilit pinapatulo ang nag uumaapaw na damdamin sa loob ng lata ng sardinas na kung tawagin ay puso.
mali, hindi na siya ang tinutukoy ko. sa tingin ko, nawala na rin sa karimlan ng oras, kawalan ng pag-asa at kawalan ng dahilan na ipaalam ang dating nararamdaman ang mga kadahilanan kung saan ang dating dahilan ng pag apaw ng aking lata ng sardinas ay nag-iba na. kumbaga sa kotse, kung dati karburador ang sira, ngayon naman yung spark plugs.
madami na nagbago mula nung huli ako naglagay ng mg parirala sa talaang ito, nagbago ang mundo, ikaw, at maging ako, masasabi kong may pinagbago din. ang di lang nagbabago, ang kinasasadlakan ko, at ang pag apaw ng lata ng sardinas.
sa aking pagliliwaliw sa karimlan ng kawalan na aking inaakala, may biglang lumitaw na marikit na bituin sa kadiliman na siyang gumalantang sa akin, isang paggulantang na di ko inaasahan, pag gulantang na siyang nagdilig muli sa disyerto, isang paggulantang na nagpakilos, nagpabuhay, at nagpa asa.
di ko inaasahan, ngunit nahigitan ng marikit na bituing ito ang tinitingala kong kalawakan, sa unang pagkakataon, inilihis ko ang aking tingin sa tinitingalang kalawakan, at umasang ang marikit na bituin ang siyang papawi ng lahat, ang magpapaliwanag sa lahat, ang magbibigay kulay, ang magbibigay buhay.
di ko na hahayaang tumulo na lamang uli ang pinasaabog ng lata ng sardinas. sa unang pagkakataon, wala na akong pakialam sa maaring kahantungan at di kahantungan ng aking pagkilos. oo pagkilos. di ko na hahayaang maiwan muli sa bus stop. kelangan ng sumugal, kelangan ng wakasan ang pag-iisip sa kahihinatnan ng aking mga gagawin. tatayo na ako sa kinasasadlakan, at kahit na kasing liit ng butil ng buhangin ang aking tsansa, wala a akong pakialam, dahil ang tanging iniintindi ko na lamang ay maipadama at malaman sa marikit na bituin ang aking lata ng sardinas. di ko na kayang umupo na lamang sa gitna ng sangangdaab. bahala na si batman, may pag asa o wala, may kahahantungan o wala, tama o mali. wala na akong pakialam
ipapakita ko na ang lata ng sardinas na kaytagal ko ng tinatago at iniiwasang masira. wala na akong magagawa kundi sundin ang bugso ng damdamin.
lahat ay gagawin, para sa iyo, marikit kong bituin. para sa iyo at wala ng iba, para sa yo.
Halika- The Key Gun
wag mo sanang pagdudahan
ang tunay kong nararamdaman
binihag mo ako sinta
at di ako makawala
wag kang mag alala wag kang mabahala
pangamba mo ay kalimutan
dahil di kita iiwan kailanman
dahil iibigin kita kailanman
wag mong isiping akoy nagmamadali
nagiging totoo lang naman ako sa aking damdamin
lahat ay gagawin para sayo sinta
lahat ng iyong ikaliligaya
